BAGUIO CITY – Hinihintay pa raw ng kampo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang notice mula sa tanggapan ng Senado hinggil sa petsa ng kanyang pagsipot sa hearing ng kontrobersyal na good conduct time allowance (GCTA) law .
Ito’y kasunod ng kanyang anunsyo sa kahandaang magsalita bilang dating direktor ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Agad iginiit ni Magalong na wala siyang kinalaman sa mga katiwaliang lumulutang ngayon sa Bureau of Corrections pero nais na rin daw niyang humarap bilang tugon sa imbitasyon ni Blue Ribbon Committee chair Sen. Richard Gordon.
Aminado ang dating PNP-CIDG director na minsan siyang nag-ulat kay Sen. Leila De Lima ng patuloy na operasyon ng illegal drug trade sa bansa kahit nakapiit sa National Bilibid Prison ang ilang malalaking drug lords.
Dati na raw gumawa ng special operations intelligence plan ang PNP-CIDG sa Bilibid kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency ngunit hindi raw sila pinayagang makasama sa mismong operasyon.
May mga nakuha rin daw silang impormasyon noon tungkol sa mga anomalyang kinasasangkutan ng ilang BuCor officials.
Tiwala si Magalong na may kopya pa ng case build-up records ang PNP-CIDG.