-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Posibleng isang estudyante ang may-ari ng inabandonang bag sa isang bus na mula sa Baguio City na naglalaman ng pinatuyong dahon ng Marijuana.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, deputy chief of police ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na nakatanggap sila ng tawag mula kay Vice Mayor Bong Dalin ng Cauayan City tungkol sa isang itim na bag na nakasiksik sa likurang upuan ng isang Dalin bus.

Naalerto ang pamunuan ng bus kaya agad silang tumawag ng tulong sa Cauayan City Police Station.

Nakipag-ugnayan ang PNP Cauayan City sa Explosive Ordnance Disposal And Canine Unit at sa Special Weapons and Tactics (SWAT) at kinordonan ang lugar.

Unang tinignan kung naglalaman ng pasabog ang bag sa pamamagitan ng isang canine dog subalit nagnegatibo ito.

Nang tingnan naman kung naglalaman ito ng iligal na droga ay nagpositibo ito nang dumapa ang isang canine dog na si Tiger.

Nang buksan ng pulisya ang bag ay nakita nila ang isang malaking plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at dahon na nakabalot sa tissue.

Kabilang pa sa laman ng bag ang isang laptop, answer key mula sa isang pagsusulit at iba pang personal na gamit ng may-ari.

Tinitingnan naman ng pulisya ang anggulo kung ibebenta sa lunsod ng Cauayan ang naturang kontrabando.

Patuloy ang paalala ng pulisya sa publiko na maging alerto at kung may mga makitang kahina-hinalang gamit ay ipagbigay alam agad sa pulisya.