Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kanilang paiiralin ang “maximum tolerance” sa pagpapatupad sa panibagong protocol na inilabas ng IATF (Inter Agency Task Force) kung saan maaari nang lumabas ang mga bata sa ilang lugar.
Sakop nito ang mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine at modified general community quarantine, kaya hindi kasama ang mga nasa ilalim pa ng “heightened restrictions” tulad ng Laguna at Cavite.
Pinaalalahanan din ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga magulang na magdoble ingat pa rin sa paglabas kasama ang mga anak na limang taong gulang pataas.
Ayon sa PNP chief, may mga lugar pa rin na mahigpit na ipinagbabawal ang mga bata tulad sa mga mall.
“Paalala lang natin sa mga magulang na hindi lahat ng lugar ay pupuwede na ang mga bata. Maaari lang silang pumunta sa mga parks, playgrounds, mga outdoor tourism areas at biking and hiking trails basta’t kasama ang kanilang mga magulang,” ani Eleazar.
Giit nito na hindi hindi dapat magpakampante ang mga magulang sa paglabas ng bahay dahil nariyan pa rin ang banta ng Coronavirus Disease at lalo pa itong bumabagsik dahil sa mga bagong variant.
Nagbabala pa ang PNP chief sa mga magulang na kung may mga paglabag sa mga panuntunan, sila ang mananagot.