LAOAG CITY – Nagkaroon ng ideya ang mga estudyante at guro ng Mechanical Engineering ng Northwestern University dito sa siyudad ng Laoag, na gumawa ng isang Solar Powered Vehicle dahil sa nais nilang makatulong sa kapaligiran, mabawasan ang polusyon at dahil rin pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sinabi ni Mr. Rolly Ramos, Department Head of Mechanical Engineering sa nabanggit na paaralan, ang Solar Powered Vehicle ay bilang culminating project sa thesis ng mga 4th year Mechanical Engineering students upang mailapat ang kanilang natutunan sa loob ng apat na taon at upang makapagtapos sa nasabing kurso.
Ayon sa kanya, maaari rin itong gamitin at i-charge sa mainit na panahon sa pamamagitan ng mga Solar Panel na nakakabit sa sasakyan.
Ipinabatid niya na ang pagpaplano ay nagsimula sa unang semestre, pagkatapos ng unang semestre ay nagsimula ang mga estudyante na mangalap ng mga materyales at sa ikalawang semestre naman ang fabrication ng nasabing proyekto.
Dagdag pa niya, binili ng mga estudyante ang mga materyales sa isang junkshop para mabawasan ang mga gastos nila at kung saan nagkakahalaga ang sasakyan ng humigit-kumulang 60,000 php.
Kaugnay nito, isang malaking tagumpay para sa mga mag-aaral ng nasabing paaralan lalo na si Ms. Jacklyn Saludares, 4th year student at isa sa mga bumuo ng Solar Powered Vehilce ay halos hindi niya inaasahan na makakapagtapos ito sa nasabing kurso at makahawak ito sa mga gamit na hindi karaniwang hinahawakan ng babae.
Gayunpaman, napatunayan ni Saludares na kung ano ang kayang gawin ng mga lalaki, kaya rin ng mga babae.
Samantala, si Mr. Efren Marquez, 4th year student, isa sa mga bumuo ng nasabing proyekto ay matagal niya ng pinangarap na makagawa ng ganitong uri ng sasakyan.