LAOAG CITY – Muling nagdulot ng pagkaalarma sa mga residente sa Ilocos Norte matapos maitala ang pinakamataas na kaso ng Coronavirus Disease (COVID) sa loob lamang ng isang araw.
Kagabi ay inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte na 92 ang bagong kaso ng COVID, dalawang araw matapos ideklara ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa lungsod ng Laoag.
Sa nasabing bilang, 90 ang mga persons deprived of liberty (PDL) na mula sa Ilocos Norte Provincial Jail (INPJ) na nakasalamuha ng mga naunang nagpositibo sa naturang bilangguan, habang ang tatlo ay pawang “ROF” at locally stranded individual.
Kung maaalala, hiniling ng Jail Warden ng INPJ na lahat ng mga preso ay maisailalim sa swab testing matapos dumami ang mga nagpositibo na jail guards at inmates.
Una nang kinumpirma ng lungsod na maisasagawa sa susunod na mga araw ang mass swab testing sa lahat ng mga market vendors at ang kanilang helpers at mga empleyado ng Laoag City Public Market and Commercial Complex.
Maliban dito ay hinikayat din ng lokal na pamahalaan ng Laoag City ang lahat ng mga senior citizen, gayundin ang mga may hypertension, chronic disease, at iba pa na sumailalim sa swab test at ito ay sasagutin ng gobyerno.