Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ngayong araw ang matagumpay na biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Saudi Arabia kung saan naselyohan ang bilyun-bilyong dolyar na halaga ng pamumuhunan na magbibigay ng mapapasukang trabaho sa mga Pilipino at magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Sinaksihan ni Pang. Marcos ang paglagda sa mga kasunduan sa pamumuhunan na may kabuuang halagang US$4.26 bilyon, na pakikinabangan ng tinatayang 300,000 manggagawang Pilipino at ang interes ng mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa Maharlika Investment Fund.
Nakipagpulong si Pang. Marcos sa mga pangunahing business leader sa Saudi sa gilid ng 2023 ASEAN-Gulf Cooperation Council Summit.
Ayon kay Speaker Romualdez ang mga nakuha ng bansa sa pagbisita ni Pang. Marcos sa Saudi ay patunay ng lumalaking kumpiyansa sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng dayuhang pamumuhunan bunsod ng positibong klima sa ekonomiya at liderato ng bansa.
Indikasyon din umano ito ng pagnanais ni Pang. Marcos ng mas maunlad at magkaka-ugnay na ekonomiya sa mundo, kung saan ang Pilipinas ay mayroong mahalagang papel na ginagampanan.
Ayon kay Speaker Romualdez nagkaroon din ng pagpupulong sina Pang. Marcos at Kuwaiti Crown Prince na makatutulong umano sa pagpapalakas ng relasyon ng dalawang bansa.
Sinuspendi ng Kuwaiti government ang pagbibigay ng entry at work visa sa mga Pilipino dahil sa hindi umano pagsunod ng Pilipinas sa mga napagkasunduan.
Ipinagbawal naman ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga first-time household service sa Kuwait matapos paslangin ang overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara, na ginahasa, pinatay, at sinunog ng anak ng kanyang amo.