-- Advertisements --

Naniniwala raw si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., na may paglabag sa Anti-Terror Law sa loob ng mga campus ng University of the Philippines (UP).

Ayon sa tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), may ilang miyembro ng UP community ang di-umano’y tumutulong sa paghahanda para sa ilang “underground activities” tulad ng anibersaryo ng New People’s Army (NPA).

Sa kabila ng kawalan ng ebidensya, sinabi pa ni Parlade na may mga miyembro rin ng UP community ang nagbibigay ng materyales para sa mga propaganda para sirain at pabagsakin daw ang gobyerno.

Paliwanag naman ng opisyal na hindi nila sinisisi ang unibersidad, bagkus ang sinisisi nito ay ang mga materyales na ginagamit upang gamitin sa mali ang kanilang academic freedom.

Isa na rito ang malayang pagbibigay pahintulot sa faculty members na miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) na magsagawa ng subtle training at recruitment sa mga mag-aaral ng UP.

Binanggit pa ni Parkade ang talumpati noon ni Dr. Jose Dalisay Jr., dating UP vice president for public affairs, na kumikilala sa matagal nang recruitment na nagaganap sa loob ng UP.

Naiintindan aniya nito kung ano ang principles ng academic freedom subalit malaki raw ang pagkakaiba sa pagitan ng legitimate activism at terrorism.

Magugunita na ibinasura ng Department of National Defense (DND) ang tatlong dekadang kasunduan nito sa UP na nagbabawal sa pagpasok ng militar o pulis sa loob ng UP campuses na walang pahintulot.