-- Advertisements --

Nag-abiso ang Toll Regulatory Board (TRB) sa publiko kaugnay sa inaasahang pagdagsa ng mga motoristang dadaan sa mga expressway ngayong Miyerkules Santo, Marso 27.

Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpuz, ang exodus o pagbuhos ng mga sasakyan ay inaasahang magsisimula sa alas-9 ng umaga dahil ang pasok sa trabaho ay half-day lang ngayon.

Ito ay matapos na ianunsiyo ng Malacañang na hanggang ala-12 ng tanghali lamang ang pasok sa mga opisina ng ahensiya ng gobyerno habang nasa pagpapasya na ng mga pribadong employer kung ipapatupad ang parehong panuntunan sa kanilang mga empleyado.

Samantala, ipapatupad naman ng TRB ang 9-point Semana Santa travel measures para matiyak ang kaligtasan at convenience ng mga biyahero ngayong Holy week.

Kayat hinihimok ang mga motorista na suriin ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan gayundin ang physical at mental condition ng magmamaneho ng sasakyan, sumunod sa batas trapiko, at tiyakin na mayroong sapat na load ang RFID o radio frequency identification.