Reading Time: 1 minute

ILOILO CITY – Kasalukuyang nasa St. Anne Parish sa Molo, Iloilo City, ang matataas na lider ng Simbahang Katolika.

Ito ay kaugnay sa Eucharistic celebration bilang pasasalamat sa Promulgation ng Decree sa mga heroic virtues ni Venerable Mother Rosario of the Visitation

Si Mother Rosario Arroyo o mas kilala sa tawag na Mother Sayong ay ipinanganak sa Molo at siyang nagtatag ng Congregation of the Dominican Sisters of the Most Holy Rosary of the Philippines.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Msgr. Maurillo Silva, kura paroko ng St. Anne Parish sa Molo, sinabi nito na nasa ikalawang proseso na ng pagiging santo si Mother Rosario.

Ayon kay Msgr. Silva, ang unang milagro na ginawa ni Mother Rosario ay ang pagpapagaling ng isang madre na may sakit.

Ang iba pang mga patunay ng milagro ni Mother Rosario ay ipapadala sa Vatican upang masuri at mapag-aralan ng simbahan.

Umaasa naman si Msgr. Silva na magiging ganap na santo na si Mother Rosario na kahit na ipinanganak na mayaman ay pinili ang payak na buhay at nagsilbi sa Diyos.

Kabilang sa mga dumalo sa misa at pagtitipon ng mga lider ng simbahan ay sina dating Catholic Bishops Conference of the Philippines President Archbishop His Excellency Most Reverend Angel N. Lagdameo D.D.. Archbishop-Emeritus ng Archdiocese of Jaro; Most Reverend Jose Romeo Lazo, Archbishop ng Jaro na siyang main celebrant; Most Rev. Jose Palma, Archbishop ng Cebu; at concelebrator naman sina Most. Rev. Jose Advincula, Archbishop ng Capiz at Most Rev. Marvyn Maceda, Archbishop ng San Jose de Antique.