Naninindigan ang isang activist youth organization sa pagsusulong nito ng “no vaccine, no face-to-face classes” para sa posibleng pagpapatupad ng face-to-face classes sa mga paaralan.
Ayon sa tagapagsalita ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) na si Justin Dizon, mariing kinokondena ng grupo ang tila pagbibingi-bingihan umano ng mga opisyal ng education sector patungkol sa mass vaccination ng mga kabataan.
“The agencies must be true to their mandate by making education safe and accessible for all, and the only way to do it is inoculate all students before proceeding to face-to-face classes,” dagdag ni Dizon.
Hinamon din ng SPARK si Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones na magsalita tungkol sa isyu ng mass vaccination sa mga estudyante imbes na gawing guinea pigs ang mga ito sakaling tamaan sila ng nakamamatay na virus.
Patutsada pa ni Dizon na walang “logic” sa ginagawang multiple scenario planning ng DepEd dahil nananatiling tikom ang bibig ng ahensya sa pinaka-basic umano na gamot sa mga problema na hinaharap ng edukasyon sa bansa bunsod ng health crisis.
Tinatayang aabot ng 30 milyong estudyante ang mayroon sa buong bansa. As of January 2021, aabot naman ng halos 26 milyong estudyante ang nakapag-enroll sa basic education level — kapwa sa pampubliko at pampribadong paalan — ayon sa DepEd.
Ayon naman sa Commision on Higher Education (CHED) na mayroong higit 3 milyong estudyante sa higher education.