-- Advertisements --

Dalawang bagay daw ang nakikita ni Vice President Leni Robredo na batayan para masiguro ng pamahalaan sa publiko na walang dapat ikatakot sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Binigyan diin ni VP Leni ang kahalagahan ng malawak na testing at contact tracing.

“Iyong testing talaga kailangan makita ng tao that there is massive testing and ito, ito iyong massive testing maraming parang definitions nito, pero DOH, iyong DOH mismo nagsabi na the ideal is for us to test 8,000 people a day,” ani Robredo sa isang interview.

Una nang sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na naabot na ng bansa ang 8,000 test kada araw kahti lumampas ito sa targeted deadline na April 30.

Sa ngayon 30,000 tests kada araw na ang target ng Department of Health pagdating ng May 30.

“Iyong pangalawa, aside from mass testing, effective na contact tracing. Iyong, hindi tayo magkakaroon ng effective contact tracing kung hindi pa maayos iyong ating mass testing.”

Naniniwala ang bise presidente na maiibsan lang ang takot ng publiko kung mababatid din nito na kontrolad ng pamahalaan ang sitwasyon.

“Ilan na ba ngayon iyong positive? I think nasa 8,000, 9,000—nandoon, nandoon tayo. Pero if you look at the data, more than a thousand hindi natin alam kung nasaan. Hindi alam ng DOH kung nasaan sila. Nandito ba sila sa Metro Manila o umuwi ba sila sa probinsya? Namatay na ba sila? Nasa ospital na ba sila? More than a thousand iyon.”

Sa huling tala ng DOH, may 11,618 total na indibidwal ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

May 772 namang namatay, at 2,251 na gumaling.