-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naghahanap na ng mapaglilipatan ang mga otoridad sa nasa 101 locally stranded individuals na nananatili sa Cataingan Astrodome matapos na maapektuhan ng magnitude 6.6 na lindol kahapon.

Kabilang ang naturang pasilidad sa nagsisilbing quarantine facility para sa mga bagong dating sa lugar bilang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) preventive measure.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense (OCD)-Bicol Director Claudio Yucot, nagkaroon aniya ng crack at sira ang quarantine facility kung saan marami pa ang nananatili para sa pagtupad sa 14-day mandatory quarantine.

Plano ng lokal na gobyerno na maghanap muna ng mga tent upang pansamantalang paglagyan sa mga ito.

Aminado si Yucot na dagdag pasakit ang COVID pandemic sa pagresponde sa mga biktima ng lindol dahil kailangan pa ring obserbahan ang social distancing lalo na sa mga evacuation facilities.

Nabatid mula kay Yucot na may mga pamilyang inilikas matapos na masira ang bahay dala ng lindol, habang ang ilan ay nakatira sa mga bahay na may cracks malapit sa ilog o bundok na delikado sa landslide.

Naglunsad naman ng rescue operation ang OCD Bicol habang tuloy-tuloy pa ang isinasagawang pagsuri sa ilan pang imprastraktura.