Kung si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino raw ang tatanungin, okay nang hindi niya kasama si Vice Pres. Leni Robredo sa pamumuno sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Aminado si Aquino na bagamat maayos ang naging panunungkulan ni Robredo sa ICAD, ay nahirapan siya na mag-adjust at makitungo dahil sa pagkakaiba nila ng lebel sa posisyon.

Bilang cabinet official, hindi umano naging madali kay Aquino na makitugma sa mga plano at nais ng bise presidente.

“Masyadong malayo ‘yung aming designation para maging co-chair ko siya so nahirapan ako,” ani Aquino.

“If and when sana ‘yung ka-partner ko eh same level with me, mas madali sana. Para bang ‘vice president ka eh ako (undersecretary) lang,’ parang ang hirap makitugma minsan.”

Para sa PDEA chief, okay na ring wala sa ICAD si Robredo dahil mas mabibigyan daw siya ng pagkakataon na pamunuan ang komite.

Sa Lunes naka-schedule ang paglalabas ng bise presidente ng report tungkol sa umano’y nadiskubre niya sa loob ng higit 2 linggong pag-upo sa ICAD.

Nakapaloob din daw dito ang ilang rekomendasyon para mapabuti ang implementasyon ng drug war.