-- Advertisements --
cropped CAMP CRAME PNP POLICEMENT FLAG DAY 2

Nakapagtala ng mas mababang bilang ng mga krimen sa National Capital Region ang Philippine National Police ngayong papalapit na ang holiday season.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni National Capital Region Police Office Spokesperson PLTCol. Dexter Versola na mas bumaba pa aniya ang rate ng peace and order indicator o yung tinatawag na 8 focus crimes na binabantayan nila sa rehiyon batay sa datos na kanilang nakuha mula sa Regional Investigation on Detection Management Office.

Aniya, bukod dito ay tumaas din daw ang bilang ng kanilang mga nahuhuli na nasa 16,000 na mga indibidwal mula sa dating 15,000 dahilan kung bakit talagang masasabi ngayon ng kapulisan na generally peaceful ang buong Metro Manila.

Samantala, una rito ay sinabi naman ni Philippine National Police chief PGen. Rodoldo Azurin Jr., na nakapagtala rin ang Pambansang Pulisya ng malaking pagbaba sa index crime sa bansa kung saan naitala nito ang nasa 11.98% o 366 na mga kaso.

Mula kasi sa dating 3,056 na mga kasong naitala ng kapulisan noong buwan ng Agosto ay mas bumaba pa ito sa 2,690 noong Setyembre ng taong kasalukuyan.

Ito ang dahilan kung kaya’t nananatiling positibo ang hepe ng pambansang pulisya na mas bababa pa ang maitatalang crime rate sa bansa hanggang sa pagsapit ng holiday season sa Disyembre hanggang bagong taon lalo na’t mas paiigtingin pa ng pulisya ang maximum deployment ng mga pulis at iba pang security personnel para sa pagpapanatili at pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng ating mamamayan.