-- Advertisements --

Nasa final stage na ng certification ang laboratory testing facility para sa COVID-19 ng Marikina City.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, pinadala na ng Marikina Molecular Diagnostic Laboratory sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang positive samples na kanilang hawak.

“Ang positive samples na pinadala ng Marikina laboratory ay parte ng po ng ginagawang proficiency test na kailangang maipasa ng isang laboratoryo bago sila mabigyan ng certification.”

“Parte ito ng Stage 4 that Marikina Laboratory is currently undergoing upang maging ganap na COVID19 sub-national laboratory.”

Kailangan daw pumasa nang dalawang beses ng isang nagpapa-certify na laboratoryo kapag nasa Stage 4 na ng proseso.

Ang proficiency test na pinagdadaanan ngayon ng Marikina laboratory facility ay bahagi raw ng Stage 4 accreditation.

“Dapat po na pumasa ng isang beses hindi po dalawang beses sa ating proficiency test para po maging certified na laboratory.”

Sa ngayon binubuno pa umano ng laboratoryo ang mga hakbang na hindi nito naipasa sa unang aplikasyon.

“Dahil hindi po pumasa ang Marikina laboratory sa unang panel, na ginagawa nila kailangan lang po nilang mag-retake muli, bago sila mabigyan ng certification.”

“Ang Kagawaran ay patuloy na nagbibigay ng tulong at technical assistance sa Lungsod ng Marikina at sa iba pang laboratoryo upang mapalawak natin ng husto ang ating testing capabilities bilang panlaban sa pandemyang ito.”