Itinutulak ng dalawang kongresista na sa halip na magkahiwalay ay gawing jointly o magkasabay ang botohan ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa “economic” Charter change (Cha-cha).
Sa pagdnig ng House Committee on Constitutional Amendments sa tinatawag na “economic” Cha-cha, sinabi ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na hindi naman direktang sinasabi ng Saligang Batas sa kung paanong pamamaraan dapat isasagawa ang botohan sa pagpasok ng mga amiyenda.
Batay sa Article XVII, Section 1 ng Saligang Batas, kung ang pamamaraan sa pagpanukala ng amiyenda o revisions ay idadaan sa constituent assembly (Con-Ass), kailangan ang three-fourths vote ng lahat ng mga miyembro ng Kongreso.
Pero hindi naman nakasaad dito kung kailangan bang gawin ang botohan para rito nang magkakahiwalay o magkasabay.
“The Constitution does not categorically say na dapat magboboto tayo separately. Bakit natin sinasabing separately? Bakit hindi natin tanggapin na joint voting ito?” ani Marcoleta.
Naniniwala si Marcoleta na walang mangyayari deliberasyon ng Kamara sa Cha-cha kung hindi naman makukuha ng Senado ang kinakailangan na three-fourths votes ng mga miyembro nito.
Kung mag-convene man aniya ang Kongreso bilang Con-Ass, ang mga miyembro nito ay maikokonsidera na bilang “component elements” ng isang Con-Ass, at hindi na sila napapabilang sa bicameral assembly.
“What if hindi sila nakakuha ng three-fourths? Inabot tayo ng isang buwan dito, napagdebate natin nang mabuti, pagkatapos doon one-fourth lang sila. What happens?” tanong ni Marcoleta.
Ganito rin ang naging posisyon ni Albay Rep. Edcel Lagman.
Sinabi ni Lagman na Nobyembre 1967 nang maglabas ng desisyon ang Supreme Court sa Gonzales vs Comelec case, kung saan sa pag-amiyenda sa Saligang Batas, ang mga senador at kongresista ay hindi tumatayo bilang miyembro ng kongreso pero “component elements” na ng Con-Ass.
Sa ibang salita, ang mga miyembro ng Con-Ass ay hindi lamang tumatayo bilang mga mambabatas kundi constituent members na ng assembly, kaya ang botohan ay dapat gawing magkasabay at hindi magkahiwalay.
“So I would submit my position that we should be consistent in the case of Gonzales vs Comelec that voting should not be separate but joint voting by all members of con-ass. I like to emphasize it should be joint,” ani Lagman.
Pero nanindigan ang chairman ng komite na si AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na ang botohan ay dapat gawing magkahiwalay.










