-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin si Senador Rodante Marcoleta sa mga mamamahayag matapos niyang tawagin ang ilang miyembro ng media bilang “paid hacks,” isang pahayag na umani ng matinding batikos mula sa press at mga opisyal.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Marcoleta na pinagsisisihan niya ang naging pananalita.

“Pasensiya na po kung ako ay nakapagsalita nang ganun. I did not mean it,” ani Marcoleta.

Gayunpaman, iginiit din niya na ang kanyang pahayag ay bunga ng umano’y pagkadismaya sa mabagal na pag-usad ng imbestigasyon sa flood control anomalies at sa hindi umano pagbanggit sa kanya sa ilang news report tungkol sa Iglesia ni Cristo rally noong Enero 2025.

Ayon sa senador, dumalo siya bilang isa sa apat na tagapagsalita sa naturang rally ngunit hindi umano siya nabanggit sa ilang artikulo ng mga pahayagan na isinulat ng kabuuang 11 mamamahayag.

“How come 11 reporters did not see me or hear me as though I did not exist?” aniya.

Samantala, kinomdena naman ng mga organisasyon ng media ang pahayag ng senador, na tinawag itong “irresponsible” at “reckless attack” laban sa mga mamahayag.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang Presidential Task Force on Media Security, na nagsabing ang ganitong uri ng generalization ay maaaring makasira sa kredibilidad ng media at magdulot ng panganib sa mga mamamahayag.

Sa gitna ng isyu, ipinagtanggol ng ilang senador ang hanay ng media. Ayon kay Senador JV Ejercito, hindi makatarungan ang akusasyong binabayaran ang mga mamamahayag.

Giit pa niya, sisiguraduhin niyang sa ilalim ng kanyang panunungkulan sa Senado ay mapapangalagaan ang kalayaan at integridad ng mga reporter na nagko-cover sa institusyon.