-- Advertisements --

Labis na napahanga ng Filipino singer na si Marcelito Pomoy ang mga judge at audience ng “America’s Got Talent (AGT): The Champions.”

Ito’y matapos magpakitang-gilas sa trademark nitong duet na “The Prayer” kung saan siya ang kumanta sa panlalaki at pambabaeng bahagi ng nasabing awitin.

Sa umpisa pa lamang ng performance ni Pomoy, bakas na ang pagkamangha ng AGT judges kung saan unang nagbigay ng standing ovation ang German-American model na si Heidi Klum.

“Honestly, this is one of the craziest things I ever heard in my entire life. Your voice, your range, your sound is just so out of this world,” ani Klum.

Kahit ang prangkang music producer at judge na si Simon Cowell ay “perfect score of 10” ang ibinigay kay Pomoy.

“That was what I call a 10, a simple as that. I have a feeling that the super fans will put you through to the next round,” wika ni Cowell.

Narito ang iba pang komento ng mga hurado:

Howie Mandel: “That was so unique, you are a beautiful, wonderful singer with a young woman trap inside of you.”

Judges Alesha Dixon: “I want to see something different, something unique and Marcelito you just gave that to us. It was absolutely brilliant.”

Kasama ni Pomoy sa pagpasok sa AGT stage ang kanyang misis na hindi mapigilan na maging emosyonal.

Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion na si Pomoy ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.

Isa sa viral video song niya ang “The Prayer” na hango sa estilo ng pagkanta ng Grammy award winner na si Celine Dion at Italian opera singer na si Andrea Bocelli.

Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018. (photo from Pomoy’s Facebook)