LAOAG CITY – Nagdiwang ang napakaraming football fans para sa defending champion na Argentina matapos itong makapasok sa FIFA World Cup Final.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Jocelyn Umali-Moschini, hindi mailarawan ang kasiyahan ng mga tao sa Argentina, kung saan marami sa kanila ang nagdiriwang sa mga parke at plaza kasabay ng fireworks display.
Aniya, kahanga-hanga ang tagumpay ng Argentina dahil nakapagtala pa sila ng dalawang goal laban sa England sa kabila ng natitira na lamang na sampung minuto sa laro.
Sinabi niya na sa tuwing may laban ang Argentina, sinusubaybayan at sinusuportahan ito ng mga Pilipino mula simula hanggang sa huling sandali ng laro.
Ipinaliwanag niya na ipinamalas ng Team Argentina ang kanilang pagtutulungan bilang isang grupo, bukod pa sa kanilang indibidwal na husay.
Sinabi niyang aminado ang Argentina na mahirap para sa kanila ang lahat ng laban, ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa hangga’t hindi nila nakakamit ang tagumpay.
Idinagdag niya na kung magwawagi ang Argentina ngayong taon, ito na ang magiging ika-apat na kampeonato ng bansa sa FIFA World Cup.
















