-- Advertisements --

Mas malala pa umanong mga kontrobersiya ang aasahan sa mga susunod na rebelasyon na kinasasangkutan ng Immigration officials at ng mga protektor sa likod nito.

Ito ang sinabi ni special envoy to China Ramon Tulfo, isang araw matapos itong humarap sa Senate inquiry ukol sa pastillas modus o suhulan para makalusot ang illegal Chinese workers.

Giit ni Tulfo, may nakuha rin siyang impormasyon ukol sa nangyayaring sex for flight at iba pang aktibidad sa paliparan.

Itutuloy din daw niya ang pagdidiin kay dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre na inakusahan pa nitong protektor ng mga sangkot sa pastillas scheme.

Pero para sa panig ni Aguirre, sinabi nitong hindi siya aatras sa imbestigasyon, ngunit umapelang magsalita lang daw sana ng totoo ang nag-aakusa sa kaniya.

May mga hawak daw siyang text message mula mismo sa special envoy na si Tulfo at ito naman ang ilan sa ibabahagi niya para malinis ang kaniyang pangalan.