Pinaniniwalaan ng isang non-government organization sa Nigeria na marami ang nasawi sa pagsabog ng isang iligal na oil refinery sa kanilang bansa.
Kinumpirma naman ng pulisya ang pagsabog na nangyari noong Biyernes subalit hindi binanggit ang mga detalye kaugnay sa mga namatay.
Ayon sa Rivers state police spokeswoman na si Grace Iringe-Koko, nangyari ang insidente sa boundary ng Rivers at Imo state.
Inihayag naman ni Fyneface Dumnamene, Executive Director of Youths and Environmental Advocacy Centre, na ilang mga bangkay ang hindi na makilala dahil sunog ang mga ito habang ang iba na sinubukang makatakas ay nakita na nakasabit sa mga puno ng kahoy.
“Several bodies burnt beyond recognition lay on the ground while others who may have attempted running for safety are seen hanging on some tree branches,” ani Dumnamene.
Batay naman sa ulat ng mga local media, tinatayang 100 katao ang nasawi sa naturang malakas na pagsabog.
Nabatid na ang illegal crude refining ay talamak sa southern-oil region kung saan ang mga magnanakaw ng langis ay bina-vandalize ang mga pipeline para makakuha ng krudo at saka ibebenta sa black market.
Karamihan sa mga tao na nakatira sa oil-producing Niger delta ay mga mahihirap sa kabila na ang kanilang bansa ay isa sa tinaguriang pinakamalaking oil producer sa continent, kung saan nasa two million barrels per day ang napo-produce nito.
Sa ngayon, nag-deploy na ang pamahalaan ng Nigeria ng mga sundalo at nagsagawa na rin ng raid para wasakin ang mga nag-o-operate na mga illegal refineries para matigil na ang pagnanakaw sa oil resources ng bansa.