Kinilala ng Department of Tourism (DOT) ang Manila Central Post Office bilang isang cultural treasure na karapat-dapat sa pambansang atensyon at suporta kasunod ng napakalaking sunog na sumira sa makasaysayang gusali.
Ayon kay Tourism Secretary CHristina Garcia Frasco, ang insidente hinggil sa pagkasunog sa Manila Post Office ay isang “tragedy of heritage”.
Sinabi niya na binigyang-pansin ng DOT ang sinabi ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na ang gusali ay hindi masisira, matapos lumabas ang espekulasyon na maaaring may mga pagtatangka na palitan ang gusali ng isang hotel o ibang komersyal na ari-arian.
Sinabi ni Frasco na susuportahan ng Tourism Department ang plano ng gobyerno para sa rehabilitasyon ng nasunog na gusali.
Matatandaan, na inabot ng 30 oras bago naapula ng mga bumbero ang napakalaking apoy na tumupok sa makasaysayang gusali.
Ang naganap na insidente ay nagdulot ng hindi bababa sa P300 milyon na halaga ng tinatayang pinsala sa istraktura.
Kabilang sa mga napinsala ng naturang sunog ay ang mga Philippine National ID card para sa ilang residente ng Maynila, mga corporate documents, stamps, at paintings sa loob ng makasaysayang gusali.