Binigyang babala ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang publiko patungkol sa nararanasan mapanganib at maruming kalidad ng hangin ngayong araw.
Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso, na-monitor ng kanilang ‘air quality monitoring machines’ ang hindi ligtas o ‘unhealthy air quality’ sa Maynila.
Aniya’y hindi lamang ito sa lungsod kundi maging ang buong kalakhang Maynila ay danas ang maruming kalidad ng hangin.
Batay sa impormasyon, mula at nanggaling ito sa nagpapatuloy na ‘forest at land fires’ sa karatig bansa na Indonesia kung kaya’t pati ang bansa ay apektado.
Sa naitalang rekord ng Air Quality Monitoring stations sa lungsod, naiulat ang ‘very unhealthy’ na Air Quality Index level sa ilang lugar, habang ‘unhealthy for sensitive groups’ level naman sa ibang parte ng Maynila.
Binigyang diin ni Mayor Isko Moreno na mapanganib at delikado ang maruming kalidad ng hangin lalong lalo na sa mga may edad at buntis.
Dahil dito, hinimok ng alkalde ang publiko na magsuot ng ‘facemask’ bilang proteksyon sa masamang epektong dulot ng hangin.
Aniya’y kung wala naman importanteng lakad sa labas ay manatili na lamang muna sa loob ng kani-kanilang mga tahanan.










