Binalaan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga residente nito laban sa pekeng anunsyo ng suspensyon ng klase.
Inilabas ng pamahalaang lungsod ang babala matapos ang isang partikular na account, na nagte-trend online, ay nagbahagi at kumuha ng larawan mula sa isang naunang anunsyo ng suspensyon ng klase.
Ayon sa pamahalaan, walang anunsyo ang City Government of Manila tungkol sa suspension ng klase at trabaho ngayong araw, January 5, 2023.
Dagdag dito, nais ipaalala ng Lungsod ng Maynila sa publiko na ang lahat ng opisyal na anunsyo ay gagawin sa pamamagitan ng Manila Public Information Office Facebook Page at sa pamamagitan ni Mayor Dra. Honey Lacuna Facebook page.
Kaugnay niyan, ilang lugar na ang nag-anunsyo ng suspensiyon ng klase dahil sa sama ng panahon.
Una na rito, ang mga lungsod ng Marikina, Malabon, Caloocan, Pasig at Quezon City sa Metro Manila ay nagsuspinde na ng kanilang mga klase dahil sa sama ng panahon.