-- Advertisements --

Nagkasa muli ng tigil pasada ang mga miyembro ng transport group na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ngayong araw ng Lunes bilang pagtutol pa rin sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.

Sinimulan ng grupo ang kanilang protest action sa Nagtahan sa lungsod ng Maynila kaninang 8am.

Nagtipun-tipon naman ang mga tsuper na kabilang sa Paco-Rotonda-Nagtahan Jeepney Operators Drivers Association na parte rin ng Manibela sa kanilang terminal at doon nagparada ng kanilang mga tradisyunal na dyip.

Samantala, sa Caruncho Avenue naman sa Pasig City, ang mga tsuper na kabilang din sa Manibela ay nagsimulang magprotesta kaninang 8am.

Tuloy naman ang pagpapasada ng mga tsuper ng dyip na hindi sumama sa transport strike na bumabiyahe sa mga ruta sa Pasig-Bagong Bayan, Pasig-Pateros, at Pasig-Palengke Quiapo.

Ilan sa mga nagtigil pasada ay dinala ang kanilang pamilya para ipakita kung gaano naapektuhan ng PUVMP ang kanilang kabuhayan.

Ayon sa manibela, ipagpapatuloy nila ang pagpo-protesta kahit na itinuturing ng kolorum ang kanilang mga unit hanggang sa pakinggan ng pamahalaan ang kanilang panawagan na ihinto ang PUVMP.