-- Advertisements --

CEBU CITY – Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Mandaue City ang kanilang mga residente na magkaroon ng sariling vegetable garden habang naka-home quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Kaya naman namimigay ang Mandaue City Agricultural Office ng libreng buto at seedlings ng iilang gulay para sa mga residente upang makapagtanim sa kanilang “container garden.”

Batay sa impormasyon mula sa Public Information Office ng lungsod, may pagpipilian ang mga residente kagaya ng kangkong, okra, sitaw, talong, alugbati, kamatis, at sili.

Upang ma-avail ito, kailangang bumisita lamang ng mga residente sa Department of Agriculture compound sa Brgy. Maguikay, ng nasabing lungsod.

Layunin ng naturang proyekto na magkaroon ng sariling source ng pagkain ang bawat bahay bilang pagsunod na rin sa mas pinahigpit na hakbang laban sa COVID-19.