Umaapela ang medical group na ibalik ang mandatoryong pagsusuot ng face masks sa outdoors sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng covid-19.
Ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) president Jose Rene de Grano, naobserbahan sa mga ospital ang pagtaas ng mga aktibo at nadadapuan ng sakit kada araw sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong linggo. Subalit hindi pa masabi kung ito ay may kinalaman sa umiiral na boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoors.
Inirekomenda din ni De Grano na kung maaari ay maibalik muna sa kanilang mga medical workers ang mandatoryong pagsusuot ng face mask lalo na kung nasa labas dahil nakikita ang muling pagsipa ng mga pasyenteng dinadapuan ng covid-19.
Sa kabila naman ng nakitang pagtaas sa mga kaso, ang bilang ng mga naospital ay nananatiling pareho pa rin.
Sa datos ng Department of Health (DOH) noong Setyembre 19 hanggang 25, ang bilang ng covid-19 cases sa bansa ay nakitaan ng 22% na pagtaas.