
Pag-aaralan ang muling pagpapatupad ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa lokal na pamahalaan ng Maynila kung sakaling magkaroon ng surge sa mga kaso ng COVID19.
Ito ang inihayag ni Manila City Mayor Honey Lacuna matapos kumpirmahin ng alkalde na naobserbahan ang bahagyang pagsipa ng mga dinadapuan ng sakit sa nakalipas na linggo kung saan nakapag tala ng kabuuang 79 na kaso na karamihan naman ay nakaranas ng mild symptoms at asymptomatic.
Aniya, mayroong ordinansa ang lokal na pamahalaan hinggil sa face mask mandate na maaaring amyendahan subalit sa ngayon ay wala pang plano dahil hindi naman nakakabahala ang pagtaas ng mga kaso.
Sa kabila nito, strikto pa ring nakamonitor ang kanilang City Health Department sa mga pasyenteng dinapuan ng nakamamatay na sakit.
Paliwanag ng alkalde na isa sa mga dahilan ng paglobo ng mga kaso ay ang nakalipas na Holy week break kung saan maraming mga residente ang nagbakasyon sa loob at labas ng bansa.
Kaugnay nito, hinihikayat ng alkalde ang mga residente na magsuot ng face mask lalo na sa matatao at siksikang lugar para macontain ang posibleng surge ng virus at magpabakuna kontra covid19.










