Reading Time: 1 minute

Binuhay ngayon sa Kamara ang panukalang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa mga Grade 11 at 12 senior high school.

Inihain ni Deputy Speaker Raneo Abu ang House Bill 2087 para amiyendahan ang Republic Act No. 7077 o Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.

Sa ilalim ng panukala, nakasaad ang pagpapasailalim ng mga estudyante sa basic military training at civic training.

Layunin daw nito na ipamulat sa mga kabataan ang pagiging disiplinado at makabayan.

Mahuhubog din umano dito ang kakayahan ng mga mag-aaral na maipagtanggol ang kanilang pamilya at bayan.

Pati awareness ng mga ito sa pangangalaga ng kapiligiran, disaster risk reduction at iba pa ay inaasahang mapupukaw din.

Nakasaad din sa panukala ang pagiging requirement sa graduation ang ROTC training.

Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na inaasahang magiging abala sakaling maipatupad ito ay ang Department of National Defense, Department of Education at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Gayunman, exempted sa ROTC program ang mga mag-aaral na hindi physically o psychologically fit; mga sumasalang sa kahalintulad na military training; at iba pang dahilan na aprubado ng DND.