-- Advertisements --

Hinimok ni House Committee on Games and Amusements Vice-Chair Rep. Ronnie Ong ang PAGCOR na maglabas ng Gaming Employment License (GEL) identification cards sa lahat ng mga dayuhang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Bukod kasi aniya sa proper documentation, sinabi ni Ong na mahalagang mayroong GEL ang mga foreign workers na ito para protektado rin ang mga ito mula sa mga extortionists.

Sa ngayon, ayon kay Ong, nagbibigay ang PAGCOR ng GEL sa gaming industry employees maliban na lamang sa mga nagtatrabaho sa POGO na karamihan ay mga Chinese nationals.

Dagdag pa nito, ang GEL na ginagamit na ibinibigay ng PAGCOR na nagkakahalaga ng P4,000 kada tao ay pawang certificates lamang at hindi physical IDs kaya hirap din ang mga immigration at iba pang law enforcement personnel sa pagtukoy kung sino ang lisensyado at hindi.

Ang dapat na ibigay na GEL IDs ng PAGCOR sa mga POGO personnel ay dapat naglalaman ng BID number, Tin Number, Picture, Birthday, Employment name at Address ng kanilang opisina at tinutuluyang bahay.

“These POGO personnel can be seen practically everywhere that there are even instances where you would think that you are in China,” ani Ong.

“I think that through PAGCOR, these POGO employees should be fully documented and identified not only for their own protection,” dagdag pa nito.

Samantala, iginiit ng kongresista na bago pa man bigyan ng GEL ID, dapat na makapasa muna ang mga POGO employees sa isang online exam at proper behavior test.