Target na ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 4A ang paglikas sa mga residenteng naninirahan sa mga high-risk areas sa paligid ng Taal Volcano.
Ito’y sa gitna ng banta sa patuloy na pag-aalburoto ng Taal matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3 ang estado nito dahil sa naganap na phreatomagmatic eruption nitong July 1, 2021.
Batay sa pagpupulong ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO) kahapon, July 3, binigyang-diin ni OCD 4A Regional Director Maria Theresa Escolano ang mahigpit na pagpapatupad ng mga checkpoint sa mga pangunahing daan patungo sa mga danger zones.
Layunin nito na maiwasan ang pagbalik ng mga residente sa kanilang bahay o ang maaaring pagpunta ng mga turista sa paligid ng Taal lake upang mamasyal.
Aniya, delikado pa rin ang sitwasyon dahil anumang oras ay maaring magkaroon ng volcanic eruption.
Samantala, nakahanda ang Batangas PDRRM Council sa pagsasagawa ng swab testing sa mga evacuee upang matiyak na ligtas ang mga ito sa banta ng Coronavirus Disease (COVID).
Sakali anilang may magpositibo ay dadalhin ito sa mga isolation facility, at kung puno na ang mga isolation facilities, maaari namang dalhin ang mga COVID positive patungo sa probinsiya ng Laguna.
Dagdag pa ni Escolano, kung may magpopositibong evacuee ay agad na isasailalim sa lockdown ang evacuation center upang mapigilan ang pagkalat ng virus.