-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ng Department of Justice (DoJ) na hiniling ng mga prosecutors ng Mandaluyong na maglabas ng lookout bulletin order (LBO) laban sa may-ari ng SUV na nanagasa ng security guard sa Mandaluyong City.

Ito ang kinumpirma mismo ni DoJ Prosecutor General Benedicto Malcontento.

Una nang kinasuhan na rin ng Mandaluyong Police ang tatlong security guard ng isang subdivision na tumangging papasukin ang mga pulis kung saan nakatira ang may-ari ng sports utility vehicle (SUV) na nanagasa ng guwardiya sa Julia Vargas at St. Francis St., Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City.

Sinabi ni Mandaluyong Police chief Police Col. Gauvin Mel Unos, sinampahan na nila ng kasong obstruction of justice ang tatlong naka-duty na security guard personnel ng Ayala Heights Subdivision sa Old Balara, Quezon City matapos hindi sila papasukin sa nakuhang address ng may-ari ng SUV Toyota RAV 4 na may plakang NCO 3781.

Sinabi pa ni Unos na inaalam pa nila kung ang may-ari ng SUV na umano’y kinilalang si Jose Antonio San Vicente, ang nagmamaneho ng sasakyan base sa nakuhang impormasyon sa Land Transportation Office (LTO).