Humiling sa Quezon City court si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, na ipawalang-bisa ang subpoena na inisyu para sa kanyang yearly Income Tax Returns (ITRs).
Ang subpoena ay inilabas ng House Committee on Justice bilang bahagi ng imbestigasyon nito kung may sapat na batayan para sa posibleng impeachment case laban kay VP Sara.
Inaatasan nito ang Bureau of Internal Revenue na isumite ang ITRs ng mag-asawang Duterte-Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Giit ni Carpio, hindi siya saklaw ng naturang pagdinig dahil hindi siya party sa kaso, kaya wala umanong hurisdiksyon ang komite sa kanya.
Dagdag pa niya, ang tax returns ay itinuturing na pribado at hindi maaaring ilabas nang walang pahintulot ng taxpayer.
“A taxpayer’s tax returns, which contain personal informations relating a taxpayer’s income and expenses, are confidential information. It cannot be divulged without notice to, nor the prior written consent of the taxpayer,” ani Carpio.
Samantala, ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, may kapangyarihan ang House committee na humingi ng mga dokumentong may kaugnayan sa kanilang imbestigasyon para matukoy kung may sapat na basehan para sa impeachment proceedings.
Giit pa ng mambabatas, hindi umano maaaring igiit ang privacy kung ang usapin ay bahagi ng constitutional authority ng Kongreso sa impeachment investigations.
















