Nananawagan si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa pamunuan ng Kamara na agad talakayin ang inihain niyang House Bill No. 3957 o panukalang “Kadiwa Agri-Food Terminal Act.”
Layon ng panukala ni Rep. Lee na magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng Kadiwa Agri-food Terminals sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Ang “Kadiwa ni Ani at Kita Program” ay programa ng DA kung saan pwedeng magbenta ng kanilang mga produkto ang mga magsasaka at mangingisda direkta sa mga mamimili.
Sa nasabing panukala matutulungan nito ang mga magsasaka at mangingisda na kakarampot ang kinikita.
Ayon kay Lee, tiyak na makakatugon din ang Kadiwa centers sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin dahil mas mura ang mga produktong ibinibenta dito.
Kapag naging ganap na batas ang panukala ni Lee ay paglalaanan ito ng P25 billion sa unang taon ng pagpapatupad habang P10 billion naman ang ipapaloob na budget ng DA para sa pagpapalawig ng implementasyon nito.










