Inihihirit ni House Committee on Appropriations Vice Chairman at Valenzuela City 2nd Dist. Rep. Eric Martinez ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na tignan ang mga ‘idle’ o ang mga nakatiwangwang at hindi nagagamit na lote ng gobyerno bilang posibleng pagtayuan ng socialized housing project.
Iminungkahi rin ng mambabatas sa nasabing ahensiya na i-prayoridad na maging mga beneficiaries ng government housing projects ang mga public school teacher, health care worker, medical frontliner, at maging ang mga uniformed personnel at iba pang state workers.
Ginawa ni Rep. Martinez ang panawagan sa ginawang pagdinig ng House Committee on Appropriations ang panukalang badget ng DHSUD para sa fiscal year 2023, na nagkakahalaga ng P4.029 billion.
Tinanong ni Martinez si Housing chief Jose Rizalino “Jerry” Acuzar hinggil sa target ng ahensiya na housing units na ipagagawa sa susunod na taon.
Tugon ni Acuzar na sa susunod na anim na taon o sa kabuuan ng termino ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nais ng DHSUD na makapagpagawa ng anim na milyong housing units o isang milyon na housing units kada taon.
Inalam din ni Martinez sa DHSUD secretary ang breakdown ng binanggit na one million na housing units na target na maipatayo sa susunod na taon partikular para sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Acuzar, sa ilalim ng kanilang 2023 budget, nasa 500,000 residential units ang kanilang planong maipagawa sa NCR at ang balanse sa kabuuang 1 million housing units ay ilalagay sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Ipinagbigay-alam din ni Martinez sa Housing department ang tungkol sa property na pag-aari ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na matagal na umanong nakatiwangwang at upang mapakinabangan ay inirekomenda niyang maging posibleng project site para sa isang ‘high-rise’ housing sa Valenzuela City.
Sa ilalim ng proposed P5.268 trillion national budget para fiscal year 2023, ang DHSUD ay makatatanggap ng kabuuang P4.029 billion na pondo; mas mababa ng 48% kumpara sa badget nito ngayon taon na nasa P7.67 billion.