Todo ngayon ang paghimok ng isang mambabatas sa Bureau of Customs (BoC) na sasampolan nila at sasampahan ng kaso ang mga smugglers ng agricultural products na nagpapasok ng mga container shipments.
Sinabi ni Benguet Representative Eric Yap, nararapat lamang daw na magsampa na ang BoC ng kasong kriminal laban sa mga consignees ng mga shipments ng mga agricultural products na iligal na ipinasok sa bansa.
Sinabi ni Yap na dapat daw ay ipakita nila sa mga smugglers na mayroon ngipin ang ating batas pagdating sa smuggling.
Aniya, dapat daw ay walang piyansa ang kasong smuggling dahil sa kasalukuyang batas ay P1 million lamang ang piyansa na kayang-kaya namang bayaran ng mga smugglers.
Una rito, sinabi ni BoC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr., na halos 100 seizures o ang pagkakahuli ng mga smuggled products na nagkakahalaga ng P1 billion sa ilalim lamang ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kabila naman ng kabuuang 96 seizures, nangako si Dela Torre na tuloy-tuloy ang kanilang pagsisikap sa kampanya ng pamahalaan laban sa agri smuggling na isa sa mga direktiba ng Pangulong Marcos.
Ang huling interception naman daw ng BoC ng smuggled agricultural products ay naganap sa Port of Subic at kinabibilangan ito ng frozen carrots maging ng red at white onions mula China.
Nakalagay daw ang mga ito sa loob ng container shipments.
Sinabi ng opisyal na kalahati lamang daw ang nakadeklara sa isang container shipment at ang kalahati nito ay smuggled.
Kaya naman naipupuslit ang mga ito kapag hindi hinalughog o binuksan ang mga container shipments.
Samantala, sinabi pa ni Yap na posibleng nakapasok sa mga merkado publiko ang nasa P20.193-million na halaga ng smuggled agricultural products na labis na nakaapekto sa mga local farmers.
Habang hinihintay daw ang isasampang kaso laban sa mga smugglers, itutulak naman nito sa Kamara ang mas mahigpit na parusa sa mga sangkot sa smuggling.
Una rito, nagbabala na rin ang Pangulong Marcos na siyang kasalukuyang Agriculture secretary sa hahabulin ng pamahalaan ang mga indibidwal na sangkot sa agricultural smuggling.