-- Advertisements --
image 424

Ilang linggo, bago ang deadline ng SIM Card Registration Law, nanawagan si Camarines Sur Cong. LRay Villafuerte sa mga local government units sa buong bansa na tumulong sa pagpaparehistro sa mga SIM Cards.

Ayon sa kongresista na isa sa mga may akda sa nasabing batas, mahalagang maabot ang target na mairehistro ng pamahalaan ang hanggang sa 110Million SIM Cards.

Ito ay upang matamasa ng publiko ang kabuuang benepisyo na ninanais o nakapaloob sa nasabing batas.

Umapela rin ang Kongresista sa mga LGUs na partikular na tutukan ang mga mamamayan na walang access sa internet, mga persons with disabilities (PWDs), mga senior citizen, kasama na yaong mga nakatira sa malalayong lugar.

Sa mga nalalabing araw aniya bago mapaso ang SIM Registration, kailangan nang madaliin ang pagrerehistro sa mga natitira pang SIM card, lalo na ang mga ‘legit holders’ dahil sa otomatikong made-deactivate na ang kanilang SIM Card matapos ang July 25.

Maalalang una nang iniulat ng National Telecommunications Commission nitong nakalipas na linggo na naabot na ang mahigit 100million sim card registrants mula noong inumpisahan ito, Disyembre ng nakalipas na taon.