Usap-usapan sa Switzerland ang isang mamahaling Swiss hotel na nag-aalok ng “quarantine apartments” na may kasamang in-room health services tulad ng coronavirus testing.
Aabot ng $800 (P40,698) hanggang $2,000 (P101,661) ang presyo sa Le Bijou kada gabi. Mayroon din itong food delivery, personal chef, private gym, in-room spa treatments at home office.
Maaari ring magbayad ang mga guest ng karagdagang coronavirus health service tulad ng dalawang beses na pagbisita ng nurse na nagkakahalaga naman ng $1,800 (P91,469) habang $4,800 (P243,948) naman ang around-the-clock nurse.
Isinapubliko ng Le Bijou ang naturang quarantine service matapos mapansin ni Alexander Hübner, CEO ng naturang hotel, ang biglang pagbaba ng dating three-night bookings at mas marami ang 14 days hotel reservation. Nabatid umano ni Hübner na mas pinipili umano ng mga guests na gamitin ang hotel rooms bilang quarantine area.
Dahil dito ay napagdesisusyan nito na pagsamahin ang traditional services para gawing fully automated ang bawat apartment. Agaw-pansin din si James, ang ginagamit na virtual butler ng hotel para mabawasan ang human contact.
Binuksan din ng Le Bijou ang kanilang pintuan para sa mga healthcare workers na kinakailangang mag-overtime para tumulong sa paglaban ng Switzerland sa coronavirus outbreak.