Pinasuspinde ni Cavite Gov. Jonvic Remulla ang operasyon ngayong araw ng SM City Trece Martires.
Bunsod umano ito ng mga paglabag sa quarantine pass system na pinapa-iral ng mall laban sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Remulla, nagtalaga siya ng undercover na mga pulis para subaybayan ang mga sistemang ginagawa ng mga establishimento sa Cavite, upang tingnan kung nasusunod ang minimum health protocols.
Pero base sa report ng mga pulis, maraming natukoy na paglabag sa panig ng mall management.
Nakunan pa umano ng video ang ilang paglabag, kaya agad na sinuspinde ang operasyon ng gusali.
Giit ni Remulla, layunin lamang ng kanilang mga hakbang na maiwasan na ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan na ngayon ay may mahigit 1,000 kaso na ng naturang sakit.
“…Nag-issue ako ng isang executive order suspending the operations of SM City Trece Martires until further notice,” wika ni Remulla.