-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Itinuturing ng isang political analyst na welcome development na maliwanag, may script, naging tuluy-tuloy, walang adlib at hindi paliguy-ligoy ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay political analyst Michael Henry Yusingco, sinabi niya na ang isang obserbasyon niya ay maraming economic jargon sa SONA ng pangulo na hindi agad maunawaan ng mga karaniwang mamamayan.

Natutuwa rin siya na nabigyan ng halaga ang rightsizing o streamlining sa mga ahensiya ng pamahalaan dahil isa ito sa mga kailangang reporma.

Kailangan itong tutukan daw ng Kongreso para maipasa ang panukalang batas para sa rightsizing.

Kailangan din ang masusing pag-aaral kung paano ito ipatupad dahil sa mga mawawalan ng trabaho.

Ayon kayAtty. Yusingco, maraming posisyon sa pamahalaan na hindi kailangan at may mga ahensiya at opisina na tinutustusan ng mga taxpayer ngunit hindi nakakatanggap ng serbisyo-publiko.

Puwedeng ilipat ang mga empleado sa mga ahensiya na nangangailangan ng mga kawani.

Bukod aniya sa makatipid ay mapapaganda pa ang paghahatid ng serbisyo publiko.

Samantala, pabor si Atty. Yusingco sa mandatory ROTC sa senior high school ngunit maraming tanong na dapat masagot kabilang ang programa o kurikulum para dito at kung sino ang gagastos sa training at uniporme kung ang mga magulang o pamahalaan.

Sayang lang aniya ang panahon ng mga kabataan kung pamartsa-martsa lang at walang matutunan na military tactics at guerilla warfare.

Dagdag na pasanin ito ng mga magulang kung sila ang gagastos at kung pamahalaan naman ang gagastos ay saan kukunin ang malaking pondo.