Isiniwalat ng isa sa top adviser ng Japanese government na ang maling paraan ng quarantine measures na ipinatupad sa Diamond Princess cruise ship ang naging dahilan kung bakit mas lalo pang dumami ang mga pasaherong naapektuhan ng COVID-19.
Isinailalim sa 14-days quarantine sa Yokohama, Japan ang American-owned cruise ship ngayong buwan matapos kumpirmahin na mayroong coronavirus outbreak sa barko.
Nasa 705 katao ang tinamaan ng virus habang naka-quarantine kung saan apat sa mga ito ang namaytay. Sa nasabing barko rin naitala ang pinaka-malaking bilang ng coronavirus case sa labas ng China.
Ayon kay Dr. Nohorio Ohmagari, direktor ng Disease Control and Prevention Center sa Japan, na posibleng hindi maayos ang quarantine procedure sa cruise ship.
Isang mahirap na desisyon umano ang kinailangang gawin ng Japanese governmennt para payagan ang mga tripulante na sakay ng barko na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa kabila ng banta nang pagkalat ng sakit sa mga pasahero.
Subalit simula pa lamang daw ng quarantine ay hindi na naka-isolate ang mga crew members ng naturang barko kung kaya’t posible umanong nahawaan ang mga ito ng mga kasamahan nila na positibo sa coronavirus.
Mariin namang iginiit ng Japan health ministry na naging regular ang kanilang pakikipag-usap sa infection control team at external experts para bantayan ng mabuti ang kalagayan ng bawat pasahero at tripulante sa barko.