-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Pabor si Malay Mayor Frolibar Bautista sa planong pagpapatayo ng casino sa Boracay.

Naging praktikal lamang aniya si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbawi sa nauna nitong sinabi na bawal magkaroon ng casino sa isla.

Ayon kay Bautista, nangangailangan ngayon ang gobyerno ng pondo at isa ang casino sa maaring mapagkuhaan nito.

Pawang mga turista lamang umano ang papayagang makapasok sa casino.

Matatandaan na noong 2018, mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katolika at ilang mga residente sa isla ang pagpapatayo ng proyekto ng isang malaking casino operator na gagastusan ng nasa $500-million.

Ang casino anila ang sisira sa moralidad ng pamilya na maaring humantong sa iba pang bisyo katulad ng iligal na droga, prostitusyon, nakawan at iba pang krimen.

Katuwiran pa nila na dinarayo ang Boracay dahil sa likas na ganda ng beach at sumikat sa pagiging family oriented destination.