CEBU – Isinagawa ng mga Filipino ang isang malawakang protesta sa bansang Belgium kasama ang iba’t ibang mga international organizations kaugnay sa pagbisita ni President Ferdinand Marcos, Jr. para sa ASEAN-European Union Commemorative Summit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Dr. Phoebe Sanchez, Bombo International News Correspondent sa bansang Belgium, sinabi nito na panawagan nila ang pagsauli ng mga Marcos sa 13-billion dollars na sinasabing ninakaw ng mga ito sa kaban ng bayan.
Aniya, ninakaw diumano ng mga Marcos ang lahat, na kung ibalik sana sa kaban ng gobyerno ay maaaring makatulong ng malaki para sa sambayanang Pilipino lalong-lalo na ngayon na bagsak ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Dr. Sanchez na panahon na upang singilin ng taumbayan ang mga Marcos sa kanilang mga ninakaw.
Inihayag nito na kailangan ng Pilipinas na protektahan ang demokrasya at kunin ang mga kinuhang yaman ng mga Marcos mula sa pinaghihirapan ng mga Pilipino.