KORONADAL CITY – Nanawagan ng aksyon at tulong galing sa lokal na gobyerno ang ilang residente ng New IloIlo, Tantangan, South Cotabato, matapos ang nangyaring malawakang pagbaha sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ginang Judith, isa sa mga residente na naapektuhan ng nasabing pagbaha, pinahayag nito na sana ay agad na maaksyunan ang kanilang sitwasyon dahil halos lahat ng kabahayan ay nilamon ng tubig-baha.
Ibinahagi rin ng Ginang na ang pangunahing problema ay ang sirang kanal na pinanggaglingan ng tubig-baha kung saan umaagos ito papunta sa kanilang kabahayan.
Pinasisiguro naman ng kapitan ng barangay ang kaukulang atensyon at tulong upang solusyonan ang problema sa kalamidad.
Nabatid na halos 60 na pamilya ang naging apektado ng pagbaha.