DAVAO CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 11 (BFAR-11) ang malaking Sun fish na una nang napadpad sa dalampasigan ng Brgy. Maputi bayan ng Banaybanay, Davao Oriental.

Una itong pinagkaguluhan ng mga residente na naliligo sa lugar matapos na matangay ng lambat ng mga mangingisda ang nasabing isda.

Ayon kay environmentalist at marine biologist na si Darrell Blatchley, ang naturang Sun fish ay pinakamalaking nakita niya sa Davao Gulf.

Hindi naman nito inirekomenda na hulihin ang nasabing klase ng isda bagkus ay ibalik lamang ito sa dagat.

Marami naman ang naniniwala na lumalabas lamang ang bihirang klase ng isda kung may mangyayaring kalamidad gaya na lamang ng lindol.