Patuloy na makakaranas ng mga pag-ulan ang malaking parte ng Pilipinas dahil sa epekto ng habagat na makakaapekto sa Luzon habang makakaapekto naman ang intertropical convergence zone sa southern Mindanao.
Ayon sa state weather bureau, parehong magdadala ang dalawang weather systems ng kalat-kalat na pag-ulan at thuderstorms sa Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Abra, Zambales, Bataan, Palawan, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, BARMM, Davao Occidental, Davao del Sur, at Davao Oriental.
Ibinabala naman ng weather bureau na maaaring magresulta ang katamtaman hanggang sa mabibigat na pag-ulan sa nasabing mga lugar ng mga pagbaha o pagguho ng lupa.
Sa nalalabing parte naman ng Luzon, inaasahang magdadala ng isolated rain showers o thunderstorms ang habagat.
Habang sa nalalabing parte naman ng bansa, inaasaang makakaranas ng isolated rain showers dulot ng localized thunderstorms.
Samantala, base sa inisyung 24-hour tropical cyclone formation outlook kaninang alas-10:00 ng umaga, walang namataang low pressure area (LPA) na posibleng mabuo bilang bagyo sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR).