“Mistulang storm surge.” Ganito inilarawan ng isang residente ng barangay Petal sa bayan ng Dasol ang kakaibang alon na natunghayan nila matapos humagupit ang bagyong Paeng.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Vivian Cudal, residente sa nasabing lugar, hindi nila inaasahan ang napakalakas na hampas ng alon na sumira sa mga ari arian ng mga residente na nakatira sa tabing dagat.
Saad nito na kakaiba ang alon at mistulang isang storm surge.
Ilang taon na umanong nakatira sila sa lugar na iyon at ngayon lang nasira ang mga bahay dahil sa alon.
Dahil sa pangyayari ay sobrang hirap ngayon ang mga biktima dahil wala silang magamit na banca.
Isang buwan na aniyang hindi nakakapunta sa laot ang mga mangingisda at kung kailan naman papalaot na sana ang mga ito dahil wala ng sama ng panahon ay wala naman silang magamit sa kanilang pangkabuhayan.
Matatandaan na 5 bahay ang sinira ng malaking alon dulot ng bagyo kung saan 4 bahay ang partially damage habang ang 1 bahay naman ang tinangay ng malakas na alon.
Maliban pa umano dito, nasa 16 na bangka rin ang naiulat na nawala at nasa 11 dito ang partially damage.
Sa datos mula naman sa Dasol Disaster Risk Reduction and Management Office sa pamamagitan ni Officer In Charge Andrew Diaz, maaga naman ang kanilang abiso sa mga mamamayan sa nabanggit na lugar kung saan nailikas naman ang mga residente sa mga evacuation center.