-- Advertisements --

Kinontra ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na sumasalamin umano sa liderato ng administrasyon ang nagpapatuloy na sigalot sa Senado.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pangyayaring nagdulot ng tensyon sa mataas na kapulungan.

Sinabi ni Castro na nasa records umano na ang nangyaring gun-related incident sa Senado ay may pagsang-ayon ni Senador Alan Peter Cayetano. 

Binanggit din nya na inamin mismo ni Senador Ronald bato dela Rosa na ang kanyang pagdalo sa Senado ay para mapalitan ang liderato ng kapulungan at sa impeachment ng Bise Presidente.

Iginiit din ni Castro na hindi si Pangulong Marcos ang nag-utos sa umano’y pagtulong ni Senador Robin Padilla kay Dela Rosa na makaalis ng Senado.

Ayon pa sa Malacañang, ang mga personalidad na nasasangkot sa naturang mga pangyayari ay pawang malalapit na kaalyado ng Bise Presidente.

Dahil dito, sinabi ni Castro na hindi kahinaan ng liderato ang ugat ng kaguluhan sa Senado kundi ang umano’y pag-abuso sa kapangyarihan para protektahan ang Bise Presidente.

Sa huli, pinayuhan ni Castro ang Bise Presidente na wag umanong mamihasa sa pagdungis sa ibang tao upang magmukhang biktima sa mata ng publiko.