Muling nanindigan ang Palasyo na hindi na kailangan pa dumalo ng mga cabinet officials sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations dahil sapat na ang mga detalye at impormasyon na naibahagi ng mga ito na dumalo sa unang pagdinig kaugnay sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands, na nahaharap sa kasong crimes against humanity.
Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro ang dahilan na hindi na pinadadalo ng Malacañan ang mga kalihim sa susunod na pag-dinig ng Senado ay naibahagi na ng mga cabinet officials ang impormasyon, kaugnay sa pag-turn over sa dating pangulo.
Pagtiyak ni Castro na walang itinatago ang gobyerno hinggil sa nasabing isyu, pwera na lamang kung ang impormasyon ay makaka-apekto sa national security ng bansa.
Bukod dito, ayon sa opisyal, una na rin namang nagkaroon ng preliminary findings si Senator Imee Marcos, na siyang nagsisilbing chair ng Senate Committee on Foreign Relations.
Kaugnay naman sa posibilidad ng paghingi ng reconsideration ng senado sa hindi pagpapadalo sa mga kalihim, ayon kay Usec Castro, ipinauubaya na ito ng Palasyo sa tanggapan ni Secretary Bersamin.