-- Advertisements --

Ipinatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kongreso ng Pilipinas sa isang special session sa Hunyo 17, 2026 upang talakayin at agarang ipasa ang ilang prayoridad na panukalang batas na may layuning palakasin ang social protection at itaas ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.

Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1318, sinabing kabilang sa mga tatalakayin sa sesyon ang pagtatatag ng National Center for Geriatric Health, mga amendment sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, at mga amendment sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).

Kasama rin sa agenda ang: Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict‑Affected Areas (GIDA) Schools Act, mga amendment sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, ang Anti‑Political Dynasty Law, at ang Presidential Merit Scholarship Program.

Ayon sa proklamasyon, layunin ng sesyon na mapabilis ang pagpasa ng mga batas na magbibigay ng tulong sa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, at kabuhayan. Bukod dito, ipinatawag din ang Commission on Appointments upang talakayin ang mga bagong appointment sa gabinete, militar, at foreign service, alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na mga batas.

Ang Proclamation No. 1318 ay nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. noong Hunyo 15, 2026 sa Lungsod ng Maynila, bilang tugon sa pangangailangang mapabilis ang mga repormang panlipunan bago ang pagtatapos ng unang kalahati ng taon.